Nakakalungkot isiping hanggang ngayon, walang konkretong plano ang pamahalaan tungkol sa pag-aalaga ng kalikasan, sa kabila ng mga siyentipikong pag-aaral at mga imbensyong nalikha upang bawasan ang polusyong ginagawa natin. Kahit pa nanalo ng Oscar ang dokumentaryong ginawa ni Al Gore tungkol sa unti-unting kamatayan ng Daigdig, kung tutuusin, wala talagang ginagawa ang mga tao upang mabawasan man lang polusyon.
Sige, purihin natin ang pamahalaan sa pagpapatibay ng Clean Air Act. Pero, naipapatupad ba ito? Tulad ng ibang batas na may marangal na adhikain (ang Violence Against Women at Revised Family Code), nanatiling dokumento ang mga ito, at nararamdaman lamang ng ordinaryong mamamayan kung nababalita sa TV Patrol.
Maraming pabrika pa rin ang walang anti-pollution devices (at kung meron man, ay hindi ginagamit upang makatipid sa kuryente at maintenance costs). Naaalala ko ang isang artikulong ginawa ko tungkol sa mga mamamayan ng Brgy. Quebiawan, San Fernando, Pampanga, at ang kanilang pakikipagtunggali sa pinakamalaking kumpanya sa Pilipinas, ang dakilang buwitreng San Miguel Corporation. Nakasusuka ang ginawa nilang pagdumi sa nag-iisang sapa roon (na tila Ilog San Juan sa may tulay ng Kalentong sa Mandaluyong sa baho at itim).
Buti at may nag-aasikaso sa La Mesa Dam Watershed, sa pag-aalaga nito at pagre-reforest nito. Pero paano naman ang iba pang dam sa Pilipinas? Ang Angat Dam, ang mga dam na nakikinabang sa talon ng Maria Cristina?
Nakakalungkot isiping bukod sa hinahayaan nating patayin tayo sa isip at sa kaluluwa ng isang pekeng pamahalaan ng isang pekeng pangulong pandak, hinahayaan din nating mabulok ang ating kapaligiran. Tama nga naman ang tinuring ng Radioactive Sago Project – na tayong lahat ay baboy. Isang tingin lang sa paligid ang kailangan.
Nakilala ko si Joey Ayala at ang kanyang bandang Bagong Lumad nang ma-engganyo akong sumali sa isang theater workshop noong high school ako. Naaliw ako sa kantang “Manong Pawikan,” na noo’y inaawit ng facilitator namin. Nang makaipon ako, bumili agad ako ng cassette tape ng “Mga Awit ng Tanod-Lupa,” isa sa mga album nila. Minulat ako ng mga awit nila, minulat sa katotohanang saglit lang ang mga buhay natin (Awit ng Mortal), na tayong lahat ay konektado (Magkaugnay), na biktima tayo ng ating sariling mga kapwa na buktot ang paninindigan at paniniwala (Bathala).
Naiwan ko sa Pasig, sa kuwartong kinalakhan ko, ang koleksyon ko ng mga cassette tape nina Ayala at ng kanyang mga kasamang musikerong sina Bayang Barrios, Popong Landero, Onie Badiang, at Cynthia Alexander. Pero ramdam na ramdam ko na ang mga isyung inawit nila noon ay nananatiling mga nagbabagang isyu ngayon, matapos ang higit sa isang dekada mula noong una nilang inawit ang kanilang mga kanta. Kung ako ay nalulungkot, siguro’y mas masakit para sa kanila na hanggang ngayon ay ganun pa rin ang sitwasyon.
Siguro’y ang magagawa na lang natin ay manalangin, umasa sa Bathala ng ating mga ninuno, upang gabayan tayo pabalik sa daang iniwan natin ilang siglo na ang nakararaan.
Bathala
Bathala, likha ninyo ang bawat bagay sa mundo
Lupang kayumanggi’t luntiang bukirin
Alat ng dagat at tamis nitong hangin
Bathala, ang bawat bagay na nagmula sa inyong palad
Ay may tungkulin sa mundong kinagisnan
Sa pagtupad nito ang lahat ay tinitimbang
Ang tao, inyong hinugis at pinaahon sa lupa
Pinagkalooban ng talino at diwa
Upang mundo’y ipagyaman
Talino, naging ararong nagpaamo sa parang
Naging kumpit na sumagupa sa karagatan
Naging apoy na nagpalayas sa karimlan
Sagana sa kayamanan ang mundong inyong likha
At may bahagi rito ang bawat nilalang
Kung susuyuin lang mula sa kalikasan
Subalit, buhay dalisay ay di sapat sa iilan
Sila’y nasilaw sa kinang ng kasakiman
Ganid na diyos ang sinamba
Pinaghahati-hatian po nila ang lupa
Karagatan at himpapawid, ngayo’y may bakod na
Kapwa tao’t hayop ma’y inaagawan ng tahanan
Walang nakaliligtas sa kanilang karahasan
Kaunlaran at kabutihan daw ang kanilang sadya
Subalit ang lumilitaw ay isang panggagahasa
Bathala, ako’y hinugis ninyo’t pinaahon sa lupa
Ang aking buhay ay dito nagmula
At dito rin inaalay
Bathala, bigyang lakas itong inyong Tanod Lupa
Upang umiral sa mapagsamantala
Panalangin ko’y dinggin sana, harinawa
Bathala…
Recent Comments